Family Day 2024
Magandang Araw, QCitizens!
Sa pagtatapos ng pagdiriwang ng 2024 Drug Abuse Prevention and Control Month, muling ipinamalas ng Quezon City Anti-Drug Abuse Advisory Council (QCADAAC) ang kanilang pagsusumikap na itaguyod ang matatag na ugnayan sa bawat pamilya sa pamamagitan ng paglunsad ng Family Day.
Pinamagatang “Masaya at Matatag na Pamilya para sa Ligtas at Malusog na Bukas,” layunin ng Family Day na bigyang-pansin ang mahalagang papel ng pamilya sa paglaban sa problema ng droga. Mahigit 80 pamilya, na matagumpay na nakapagtapos ng Strong Families Program ang nakiisa sa kaganapang ito. Ang kanilang presensya ay patunay ng kanilang pagpapahalaga at pagmamahal sa kanilang mga pamilya.
Nakilahok sa aktibidad ang iba’t ibang personalidad tulad nina DILG Director Emmanuel Borromeo, PltCol. Rommel Labalan ng Quezon City Police District, at Ms. Emma Pastorfide mula sa Dangerous Drugs Board, na nagbigay ng talakayan tungkol sa epektibong parenting skills. Ang Quezon City Public Library ay naghatid din ng kasiyahan sa mga kabataan sa pamamagitan ng puppet show at storytelling, samantalang si Vice Mayor Gian Sotto ay nagbigay-inspirasyon sa lahat sa pamagitan ng kanyang personal na kwento.
Ang Family Day ay hindi lamang nakapagbigay-aliw kundi nakapagbigay ito ng mas malalim na pang-unawa sa kahalagahan ng matatag na pamilya bilang sandigan ng bawat isa laban sa tukso ng droga. Sa pamamagitan ng pagkakaisa at suporta, maaaring malikha ang isang ligtas at malusog na kapaligiran para sa lahat.
Maraming salamat sa lahat ng nakilahok at nakiisa. Ang inyong presensya at pakikiisa ay simbolo ng pag-asa at pagsulong tungo sa mas magandang bukas.